ni William Shakespeare (1564-1616)
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
Maitutulad ba kita sa isang tag-araw?
Ikaw na kaibig-ibig at katamtaman
Niyayanig ng habagat ang sintang usbong ng Mayo
At napakaikli ng tipanan natin sa hiram na tag-araw:
Minsa’y napakainit ng pagkinang ng mata ng langit
Kadalasa’y lumalamlam ang kanyang gintong silahis:
At paminsa’y bumababa ang bawat kapusyawan
Pagkakataon man o di-maayos na pagbabago sa kalikasan
Ngunit di magmamaliw ang iyong walang hanggang tag-araw
Mawala man ang tangan mo sa kaaya-ayang sarili
O maghambog man ang kamatayang nakalambong sa kanila
Umusbong ka sa walang hanggang panahon.
Hanggat ang mga tao’y humihinga, o mga mata’y nakakakita
Hanggat nabubuhay ito, at ito’y nagbibigay-buhay sa iyo.