Lunes, Agosto 19, 2013

Kung sa palad at mata ng tao'y nakakahiya (Soneto 29)

Kung sa palad at mata ng tao'y nakakahiya (Soneto 29)
ni William Shakespeare
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Kung sa palad at mata ng tao'y nakakahiya
Mag-isa kong niluha ang hamak kong kalagayan
Nabingi ang langit sa walang silbi kong pagluha
Sa sarili'y tumingin, sinumpa ang kapalaran
Nais kong matulad sa may mayaman ang pag-asa
Maging tulad niya't dumami ang kaibigan ko
Nais ang sining niya't ang sakop pa ng iba
Di gaanong masaya sa kung anong mayro'n ako
Sa ganitong gunita'y sa sarili'y nasusuklam
Nagkataong lagay ko't ikaw yaring iniisip
Tulad ng biro'y bumangon sa pagputok ng araw
Mula sa mapanglaw, umawit sa pinto ng langit
Dahil pagsinta mo'y nagdulot ng ibayong saya
Kaya ayaw kong mga hari'y aking makasama

Miyerkules, Abril 24, 2013

Maitutulad ba kita sa isang tag-araw? (Soneto 18)

MAITUTULAD BA KITA SA ISANG TAG-ARAW? (Soneto 18)
ni William Shakespeare (1564-1616)
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maitutulad ba kita sa isang tag-araw?
Ikaw na kaibig-ibig at katamtaman
Niyayanig ng habagat ang sintang usbong ng Mayo
At napakaikli ng tipanan natin sa hiram na tag-araw:

Minsa’y napakainit ng pagkinang ng mata ng langit
Kadalasa’y lumalamlam ang kanyang gintong silahis:
At paminsa’y bumababa ang bawat kapusyawan
Pagkakataon man o di-maayos na pagbabago sa kalikasan

Ngunit di magmamaliw ang iyong walang hanggang tag-araw
Mawala man ang tangan mo sa kaaya-ayang sarili
O maghambog man ang kamatayang nakalambong sa kanila
Umusbong ka sa walang hanggang panahon.

Hanggat ang mga tao’y humihinga, o mga mata’y nakakakita
Hanggat nabubuhay ito, at ito’y nagbibigay-buhay sa iyo.